Pasqua: Linggo ng Pagkabuhay

Dalawa ang pagbasang inihanda ng liturhiya para sa atin: ang Juan 20:1-10 o ang pagkakadiskubre ni Magdalena ng nawawalang bangkay ng Panginoon, at ang salaysay tungkol sa dalawang alagad na pumunta sa Emmaus, sa ibaba.

Balangkas ng Talata

  • Ang Dalawang Alagad (13-14)
    • Papuntang Emmaus, papalayo sa Jerusalem
  • Nakipag-usap si Jesus (15-24)
    • Sumabay si Jesus
    • Ang kanilang pinagusapan
      • Ang mga pangyayari noong Biyernes na nakaraan
      • Ang kamatayan ni Jesus
      • Ang kanilang pagkagulat at pagkalito sa mga pangyayari kaninang umaga
    • Ang tugon ni Jesus: kailangang mangyari yon (25-27)
    • Binuksan sa kanila ang mga Kasulatan
  • Sa Emmaus (28-32)
    • Inanyayahan ng mga alagad si Jesus
    • Sa pagpira-piraso ng tinapay ay nakilala nila si Jesus
    • Reaksyon ng mga alagad
  • Ang Pagbabalik sa Jerusalem (33-35)
    • Narinig ng mga alagad ang pahayag na nagpakita si Jesus kay Simon
    • Isinalaysay nila ang kanilang karanasan sa daan

Ang Daloy ng Parirala ay nandito. I-download ang PDF

Mga Tanong

  • Sino ang mga bida sa salaysay na ito?
  • Sino-sino ang mga alagad? Saan sila papunta? Saan sila nanggaling? Ano sa palagay mo ang dahilan at sila ay umalis ng Jerusalem?
  • Sa daan sino ang sumabay sa kanila? Nakilala ba nila ito? Ano ang dahilan at hindi nila nakilala ang Panginoon?
  • Ano ang kanilang pinag-usapan?
  • Ano ang ginawa ng Panginoon sa kanila? Ano ang kanyang itinuro?
  • Nang papalapit na sila sa Emmaus, ano ang ginawa ng dalawang alagad?
  • Paano nakilala ng mga alagad ang Panginoon?
  • Kailan natin nararanasan ang dinaanang karanasan ng mga alagad? (Sagot: Sa dalawang bahagi ng Misa)
  • Saan pumunta ang Panginoon nang makilala na siya?
  • Ano ang ginawa ng mga alagad?
  • Sa kanilang pagbabalik sa Jerusalem ano ang nangyari?

Mga Karagdagang Kaalaman

Ang Kabuuan ng Salaysay
Ang salaysay ay kwento tungkol sa pagbabagong-buhay ng dalawang alagad. Sa umpisa sila’y papalayo sa Jerusalem, papalayo sa lugar ng kaligtasan. Sa pagtatapos, sila’y bumalik sa Jerusalem at sa kaligtasan. Paano sila nagbago? Sumabay sa kanila si Jesus at ipinaliwanag nito ang kanilang karanasan sa liwanag ng Kasulatan. At sa Emmaus si Jesus ay nagpakilala sa kanila sa pagpira-piraso ng tinapay.

Sumabay sa kanila si Jesus. Ang Nabuhay na Panginoon ay sumabay sa paglalakad ng dalawang alagad at inalam nito kung bakit sila malungkot. At sa tanong nito sa kanila ay nalaman natin kung bakit nalulungkot ang mga alagad: sila’y nawalan ng pag-asa, galit sa mga pinuno sa Jerusalem, gulat sa mga nangyari noong umaga, nalilito sa balita ng mga babae.

Tinulungan sila ni Jesus na basahin ang kanilang karanasan sa liwanag ng Kasulatan Pinagalitan ni Jesus ang mga alagad dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. Nguni’t tinulungan niya sila na unawain ang kanilang karanasan sa liwanag ng mga Kasulatan. Ang katagang “aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta” sa ebanghelyo ni Lukas ay ang TaNak, ang Torah (Batas ni Moises) Nebiim (ang mga Propeta). Kasama dito ang mga Salmo na para kay Lukas ay sinulat ng propetang si David. Ipinaliwanag ni Jesus ang kanilang mga naging karanasan sa liwanag ng Kasulatan — katulad ng ating ginagawa sa mga BEC.

Nakilala nila si Jesus sa Misa Ang Panginoon na hindi nakilala ng mga alagad dahil sa kawalan nila ng pananampalataya ay nakilala nila sa pagpira-piraso ng tinapay. Pagkatapos ng pag-aaral ng Kasulatan (Liturhiya ng Salita), sila ay pinakain sa Tinapay na bigay ng Panginoon (Liturhiya ng Eukaristiya), at dito ay nakilala nila ang Panginoon. Nawala ang Panginoon sapagka’t siya ay pumasok sa kanilang kalooban (San Agustin) at binigyan sila ng kapayapaan, tuwa, panibagong lakas ng loob. At naalala nila kuing paanong nag-alab ang kanilang mga puso habang nag-aaral ng mga Kasulatan.

Noong sila ay bumalik sa Jerusalem, kinailangan muna nilang pakinggan ang pahayag ng mga apostoles. bago nila ipahayag ang kanilang sariling karanasan.

Mga Karagdagang Babasahin

Leave a comment