Ika-16 Linggo: Ang mga Trigo at Masamang Damo (Mat. 13:24-30)

Balangkas ng Mat 13:24-30

  • Isa pang talinghaga tungkol sa kaharian (24a)
    • May magsasakang naghasik ng mabuting binhi (24b)
    • Nang malingat, isang kaaway ang naghasik ng masamang damo (25)
    • Nang tumubo ang trigong inihasik, lumitaw din ang masamang damo (26)
    • Napansin ng mga utusan ang anomalya at nagsabi sa may-ari (27)
    • Ang solusyong mungkahi ng mga utusan (28b)
    • Ang solusyon ng may-ari (29-30)

Ang Daloy ng Parirala ay matatagpuan dito.

Mga Tanong tungkol sa Mat. 13:24-30

  • Tungkol sa ano ang Talinghaga?
  • Ano ang inihasik ng isang magsasaka?
  • Ano naman ang ihinasik ng kalaban niya?
  • Kailan lumitaw ang masamang damo?
  • Nang mapansin ito ng katulong ng may-ari ano ang kanilang mungkahi?
  • Pumayag ba ang may-ari? Ano ang kanyang dahilan? Ano ba ang anyo ng trigo at tares kapag nagumpisa ng tumubo?
  • Ano ang solusyon ng may-ari?

Mga Karagdagang Paliwanag

Pakikipaglabang Espiritwal: sabi sa Efeso 6:11-13

11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya’t gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.

Kailangan nating isuot ang damit pandigmang espiritwal dahil tayo ay nakikibaka laban sa kapangyarihan ng demonyo. Sa talibghaga ng mga trigo at masamang damo, ay ipinasilip sa atin kung paanong gumagalaw ang demonyo. Siya ay gumagalaw habang ang mga tao’y natutulog. Alam na natin na ang pagka-antok at pagtulog ay simbolo ng pagpapadala sa sariling kahinaan. Nang makita ng Panginoon sa Gethsemane na natutulog ang mga apostol sabi nya: Gusto man ng espiritu ngunit mahina ang laman; manalangin upang hindi madapa sa kasalanan.

Ang pakikibaka laban sa kaharian ng demonyo ay matatapos lamang sa pagdating muli ng Panginoon. Alam na natin sa aklat ng Apokalipsis ang kahihinatnan ng pakikipaglabang ito. Silang mananatiling tapat hanggang sa huli ang maliligtas. Ito rin ang nasa likod ng solusyon ng may-ari sa problema ng trigo at tares. Hindi agad bubunutin ang tares dahil baka pati trigo ay mapahamak. Ito ay dahil sa Palestina ang tumutubo pa lamang na tares ay kamukha ng trigo. Sila’y hahayaang tumubo dahil pagdating mg anihan, nagkukulay hinto ang trigo ngunit ang kulay ng tares ay hindi nagbabago. Pagdating ng pag-aani, ang tares ay iipunin upang susunugin nguni’t ang trigo ay ipapasok sa kamalig ng may-ari.

Pamumuhay ng Magkasama ng Mabuti at Masamang Kristiyano (Catholico)

Ang pamumuhay ng mga Kristiyano ay dapat kakitaan ng pagmamalasakit, pagunawa, serbisyo sa bawa’t isa. Meron ding mga prinsipyong iniwan ang Panginoong JesuCristo para sa pagharap ng bawa’t Kristiyano sa pagkakasala ng kapatid:

1. Ang Fraternal Correction: Mat 18:15-18. Ang prosesong ito ay sinusunod pa magpahangga ngayon bilang proseso sa batas canonico ng Iglesya. Ang kapatid na nagkasala ay kakausapin ng isa. Sa hakbang na ito ay kailangan din sundin ng kapatid na kakausap ang turo ng Panginoon sa panghuhusga.(Tingnan susunod). Kung ang nagkasala’y ayaw makinig, magdala ng mga testigo at kausapin siyang muli. Kung magmamatigas pa rin siya, dalhin na sa harap ng sambayanan (Iglesya) kung saan pormal na dedesisyunan ang kasalanan ng kapatid.

2. Ang Panghuhusga. Ang pagtatama sa kamalian ng kapatid ay maaaring isiping pakikialam. May mga taong sa harap na kasalanan ng isa ay tumatahimik na lang dahil sa takot na makadagdag sa kaguluhang mayroon na. Sa ganitong kaso ay maaari nating sundin ang sabi ng Poon: huwag maghuhusga upang kayo’y hindi husgahan (cf, Mat, 7:1; Luk 6:37).
Ngunit paano kung sa iyong pananahimik ay mas marami pang mapepeligro? Dito ang responsilidad para sa katotohanan ang ididiin. Hindi maaaring tumahimik lamang kung hinihingi ng pagkakataon ang pagsasalita ukol sa masamang gawi ng isang kapatid. Nguni’t dito ay hinihingi ng Panginoon —- huwag padalus-dalos (cf, Mat 7:2; Luk. 6:41-42). Pagisipang mabuti ang gagawin at sasabihin upang hindi magmistulang nagtatanggal ng puwing sa mata ng iba habang may troso naman siya sa sariling mata.

Karagdagang Babasahin

Leave a comment