Ang Simula ng Gawain ni Jesus

Ang Talata ng Marcos 1:14-20

Ang Balangkas ng Talata

  • Maikling Pambungad (14)
  • Ang Pahayag ni Jesus (15)
  • Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad
    • Si Simon at si Andres (16-18)
    • Si Santiago at Juan (19-20)

Pag-aralan ang daloy ng parirala na matatagpuan dito.

Mga Tanong Tungkol sa Talata

  1. Sino ang tinutukoy na “Juan”?
  2. Ano ang dahilan at siya ay dinakip? Sino ang nagpadakip sa kanya?
  3. Pagkatapos na madakip si Juan, saan pumunta si Jesus? Saan ba nanggaling si Jesus? Sa palagay mo, saan sa Galilea pumunta si Jesus?
  4. Ano ang unang ginawa ni Jesus sa Galilea?Ano ang pahayag ni Jesus?
  5. Sa kanyang pahayag, paano isinalarawan ni Jesus ang panahon?
  6. Ayon sa pahayag ni Jesus, ano ang dapat gawin sa panahong dumating?
  7. Kailan ipinaparinig sa atin ng Simbahan ang ganitong pahayag ni Jesus?
  8. Ayon kay Marcos, pagkatapos ng pahayag ni Jesus, ano ang kanyang ginawa?
  9. Sino ang nakita ni Jesus? Ano ang kanilang ginagawa? Ano ba ang kanilang kabuhayan?
  10. Ano ang ipagagawa ni Jesus sa kanila?
  11. Paano tumugon ang mga tinawag?
  12. Sino pa ang nakita ni Jesus? Nang sila’y tawagin ni Jesus ano ang kanilang ginagawa? Sino ang kanilang kasama? Sumunod ba kay Jesus si Santiago at Juan? Sino at ano ang kanilang iniwan?

Mga Karagdagang Kaalaman

1. Ang Katagang “Magsisi at Talikdan ang Kasalanan”.
Sa orihinal na Griyego, ang isinalin sa katagang “Magsisi at Talikdan ang Kasalanan” ay isang salita lamang. Ito ay ang salitang “metanoiew“, na ang katumbas ay “pagbabago ng isip.” Upang maunawaan kung ano ang kaugnayan ng pag-iisip sa pagbabagong-buhay, pag-aralan ang larawan na matatagpuan dito.
2. Ang Pamamalakaya ng Tao at Kaharian.
Ano ba ang kaugnayan ng pamamalakaya ng tao at ng isang kaharian? Sa Habacuc ay may talata kung saan ang pananakop ng isang kaharian ay inihahalintulad sa pamamalakaya: Ginagawa mo ang mga tao na parang mga isda sa dagat, gaya ng mga nilikhang gumagapang na walang namamahala sa kanila. Iniaahon sila sa tubig sa pamamagitan ng bingwit hinuhuli ng lambat at pinagsasama-sama (Hab. 1:14-15a),… Marahil ay ito ang dahilan kung bakit sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos, ang ginamit ni Jesus na lingguwahe ay tulad ng kay Habacuc. Bukod dito, sa mga Pariseo, ang mga “alagad” ay inihahalintulad sa mga isda sa dagat. Kalaunan, ang mga alagad ni Jesus ay gumawa ng simbolo para sila ay makilala ng mga kapwa Kristiyano noong panahon ng pag-uusig: ang simbolo ng isda.
3. Ang Pagsunod sa mga Yapak ng Panginoon.
Ang mga alagad ay tinawag ng Panginoon upang — ayon kay Marcos — “maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo” (Marcos 3:14). Samakatuwid, sa pagu-umpisa ng kanyang gawain, tinawag ng Panginoon ang mga alagad upang sila ay matuto sa kanya. Ang kaugnayang ito ng mga alagad sa Panginoon ay tinatawag nating mga Katoliko na “sequela Christi” — ang pagsunod sa mga yapak ng Panginoon. Ito ay ginagawa natin upang lalo natin siyang makilala bagama’t ginagawa natin ito sa pag-iisip, sa pagninilay sa ebanghelyo at sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng debosyon (tulad ng santo rosaryo at daan ng krus).
4. Ang Galilea.
Ang rehiyon ng Palestina kung saan isinagawa ng Panginoong Jesus ang kanyang ministero sa loob ng tatlong taon ay ang Galilea. Ang lugar din na pinagmulan ng mga naunang alagad. Sa Galilea matatagpuan ang Cafarnaum, kung saan nakatira si Simon Pedro at ang kanyang balong biyenang babae. Sa ebanghelyo ni Marcos, kapag may binanggit na “bahay” lalo’t ito’y nasa Galilea, malamang na ang tinutukoy ay ang bahay ni Simon Pedro (tingnan: Mk. 7,17;9:28.33;10:10). Isang mapa ng Galilea ang matatagpuan dito.

Karagdagang Babasahin Tungkol sa Marcos 1:14-20

Leave a comment