Kapistahan ng Corpus Christi, Taon C: Ang Pagpapakain ng Limang Libo (Lukas 9:11-17)

Ang Lukas 9:11-17 sa Konteksto ng Lukas 9:1ff

  • Isinugo ni Jesus ang Labindalawa (1-6)
  • Ang tanong tungkol kay Jesus: Sino siya? (7-9)
  • Sagot: Nagpakain ng Limang Libo si Jesus (10-17)
  • Sagot: Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus (18-20)
  • Hindi Kristong tulad ng Makalupang Hari: Ang Hula ni Jesus tungkol sa kanyang Kamatayan (21-22)
  • Ang Kahihinatnan ng Kanyang Kamatayan sa Buhay ng mga Alagad (23-27)
  • Isang Sulyap sa Kristo ng Luwalhati at ang Kanyang Kahalagahan sa Kasaysayan ng Kaligtasan (28-36)
  • Ang Pananaig ni Jesus sa Diablo: Isang sulyap sa “kapangyarihan ng Diyos” (37-43a)
  • Ang ikalawang hula ni Jesus tungkol sa kanyang Kamatayan (43b-45)
  • Ang Kahalagahan nito para sa buhay ng mga Apostol: Serbisyo (46-48)
  • Ang Kahalagan nito para sa buhay ng mga Apostol: Hindi Sila-kontra-sa-atin (49-50)
  • Ang Kahalagahan nito para sa buhay ng mga Apostol: Hindi galit o karahasan (51-56)
  • Ang Sakripisyo ng Isang Alagad (57-62)

Mapapansing ang ating talatang binabasa ay pahiwatig na sagot sa katanungan ni Herodes tungkol kay Jesus. Sa lumang tipan ba, sino ang nagpakain sa mga Israelitang nagugutom sa disyerto? Kung tutuusin, ang isang hari na tulad ng Imperador ng Roma ay kilala sa kanyang pagbibigay ng “panem et circenses”, tinapay at aliw sa madla. Si Moises ba o ang Diyos? (cf. Exodus 16: 1-31.35). Isa pang pahiwatig ay matatagpuan sa pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus. Totoo, ang “Cristo” ay ang haring pinakahihintay ng Israel. Nguni’t sino nga ba ang tunay na hari ng Israel, si David ba o si Yahweh? (Basahin Isaiah 44:6-16, cf. Ps. 5:2;10:16;24:8.10;47:7). I-klik mo ang larawan sa ilalim para ito ay palakihin.

At mapapansin din na ang pagpapakilala kay Jesus sa bahaging ito ng ebanghelyo ni Lukas ay paunti-unti: naguumpisa sa pagpapakilala kay Jesus bilang tagabigay ng pagkain, pagpapahayag bilang Cristo (kung gayo’y Hari) na umaabot sa sukdulan sa yugto ng Pagbabagong-Anyo kung saan si Jesus ay ipinakita bilang “Diyos sa gitna ng kanyang mga banal” (P. Benito XVI). Kung kaya naman sa talata 43a kung saan sinasabing ang madla ay nanggilalas sa “kapangyarihan ng Diyos”, ang “Diyos” na tinutukoy ay ang “Diyos-Anak” na nanaig sa kapangyarihan ng demonyo. Ang mga talata tungkol sa kanyang kamatayan ay nagpapakita lamang na si Jesus ay hindi tulad ng sinumang hari o imperador sapagka’t siya nga ang Tagatubos ng Israel (basahin Isaiah 44:6 kung saan ang “Panginoon, hari ng Israel” at “ang kanyang (=ni Israel) Tagatubos” ay kapantay ng “Panginoon ng mga Hukbo”.)

Ang Daloy ng Parirala ay matatagpuan dito.

Mga Katanungan

  • Saan pumunta si Jesus at ang mga apostol nang malaman ito ng mga tao at sila’y sundan?
  • Saan ba galing ang mga apostol at ano sa palagay mo ang dahilan at sila’y dinala ni Jesus sa ilang na pook (cf. t. 13, MBB)
  • Nang dumating sila sa lugar na kanilang pakay, ano ang ginawa ni Jesus, pinaalis ba niya ang mga tao? Ipaliwanag ang iyong sagot.
  • Nang papalubog na ang araw, ano ang gustong mangyari ng mga apostol? Ano ang kanilang dahilan? Tama ba ang kanilang iniisip? Ipaliwanag ang iyong sagot.
  • Pumayag ba si Jesus sa gusto ng mga apostol? Ano ang nais mangyari ni Jesus?
  • Pumayag ba agad ang mga apostol sa utos ni Jesus?
  • Ilan ba ang mga taong nandoon?
  • Sa palagay ng mga apostol, kaya ba nilang magpakain sa mga tao? Ano bang risorse meron sila?
  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa madla? Ano sa palagay mo ang dahilan at sila’y pinagkumpol-kumpol niya? May naaalala ka bang tagpo sa Lumang Tipan na katulad ng ginawa ni Jesus sa mga tao? (Sagot: ang pagkaka-ayos ng mga tribo ng Israel noong sila’y nasa disyerto: ang pagkaka-ayos ng isang malaking hukbo sa maliliit na grupo.)
  • Ano ang ginawa ni Jesus sa pagkaing meron sila?
  • Nakakain ba ang lahat? Nabusog ba ang lahat? Tamang-tama ba o sobra-sobra ang ipinakain sa madla?
  • Ano sa palagay mo ang kahulugan ng labindalawang basket ng tinapay na sumobra?
  • Sa iyong pagunawa, ano ang aspeto ng buhay nating Katoliko ang ipinahihiwatig ng pagpapakain ng limang libo? (Sagot: ang Sakramento ng Eukaristiya)

Mga Karagdagang Babasahin

  1. Tungkol sa Corpus Christi
  2. The Doctrine of Transubstantion
  3. Experiences of the Eucharistic Presence
  4. Lukas 9:11-17

Leave a comment