Ikaanim na Linggo ng Panahong May-Bilang, Taon C: Ang Sermon sa Kapatagan (Luke 6:17-24)

Balangkas ng Lukas 6:12-28

(Ang Kontekstong Malapit ng mga Talata ng Ebanghelyo)

  1. Si Jesus sa Bundok
    • Nanalangin si Jesus bago piliin ang mga apostoles (12-13)
    • Ang kanyang mga tinawag (14-16)
  2. Bumaba si Jesus sa Kapatagan
    • Sa kanyang pagbaba sa kapatagan ay natagpuan ni Jesus ang iba pa niyang alagad (17)
    • na nagsadya sa kanya upang magpagaling (18-19)
  3. Ang mga Mapalad
    • Ang mga mapapalad (20-22)
    • Ang mga dapat magalak (23)
    • Ang mga sawim-palad (24-26)
  4. Iba pang mga turo (27-49)

Ang Daloy ng Parirala ay matatagpuan dito.

Mga Tanong tungkol sa Lukas 6:17-24

  • Sa umpisa ng salaysay, nasaan si Jesus? Ano ang kanyang ginawa?
  • Nang siya ay bumaba sa kapatagan, sino ang kanyang nadatnan?
  • Ano ang pakay ng madla sa kanya?
  • Nang makita niya ang madla, ano ang kanyang sinabi?
  • Kapag narinig mo ang salitang “mapalad ka!” ano ang pagkakaunawa mo nito?
  • Tungkol ba sa swerte ang pagsasabi ni Jesus ng “mapalad?”
  • Ano ang dahilan at mapalad ang mga dukha?
  • Ano and dahilat at mapalad ang mga nagugutom?
  • Ano ang dahilan at mapalad ang mga nagsisitangis ngayon?
  • Ano ng dahilan at pinagpala ang mga iniinsulto dahil sa kanilang pakikiisa kay Jesus?
  • Ano ang dahilan at dapat magalak ang sinuman sa araw na siya’y kapootan, insultuhin, at itakwil dahil kay Jesus?
  • At sino naman ang mga sawimpalad?
  • Ano ang dahilan at sawimpalad ang mga mayayaman, busog, nagsisitawa ngayon, at mga tumatanggap ng papuri ngayon?

Mga Karagdagang Paliwanag

Mapalad Kayo!…
Madalas ang pag-unawa natin sa “kapalaran” ay walang iniba sa mga Intsik at sa mga Griyego. Para sa mga ito, ang kapalaran ng isang tao ay nakaukit na sa mga tala, bituin at sa galaw ng araw at buwan. At ang kapalarang ito ay nasasalamin din sa mga linyang nakaukit sa palad ng isang tao. Sa pananaw na ito, ang tao nakalipas at kinabukasan ng isang tao ay kontrolado ng kanyang “suwerte” na mababasa sa kalangitan at sa kanyang palad. Wala siyang kalayaan kung gayon. Ang lahat ay naipagpasya na.

Sa Bibliya, ang pananaw na iyan ay walang kinalalagyang lugar. Dahil sa Bibliya, ang kapalaran ng bawa’t tao ay nasa palad ng Diyos. Ang Diyos ang lumikha ng bawa’t tao at ang kinabukasan ng bawa’t isa ay nasa plano ng Diyos. Ang bawa’t tao ay isang proyektong pang-kolaborasyon na kasama ang Diyos.

Kaya nga sa pag-unawa ni Jesus, ang mga tunay na mapalad ay hindi iyong mga “sinusuwerte” (dahil wala namang suwerte) kundi iyong mga nais ng Diyos na makasama sa Kanyang tuwa.

Ang mga Dukha ni Yahweh (anawim)

Ano naman ang dahilan at mapalad ang mga dukha, nagugutom, nagsisitangis, at inaalipusta? Ang susi sa pagunawa nito ay nasa dulo ng talata 22: “…dahil sa Anak ng Tao”. Ang mga tinatawag ni Jesus na mapalad ay iyong mga nakakaranas ng galit ng mundo dahil sa kanilang pakikiisa kay Jesus. Sila ay naging dukha, sila ay nagugutom, sila ay nagsisitangis, sila ay inaalipusta dahil sa persekusyon.

Nguni’t hindi ba may tinatawag na “preferential option for the poor” ang Simbahan? At iyan ay nasasalamin sa mga talata na tulad ng matatagpuan sa Santiago 2:1-7?

Sa bibliya, ang mga “dukha” ay ang mga “dukha ni Yahweh” (ang mga anawim). Sila ay ang mga tao na wala ng ibang pagkakatiwalaan kungdi ang Diyos. Sila ang mga taong na sa bawa’t henerasyon ay naghihintay ng isang tagapagligtas, nguni’t wala namang dumarating. Ang kanilang pag-asa ay alam nilang nakasalalay lamang sa Diyos. At sila ay mapalad dahil nga

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.

Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. (Luke 1:51-53)

Mga Karagdagang Babasahin

Leave a comment