Ika-23 Linggo ng Panahong May-Bilang: Ang Pagiging Alagad (Lukas 14:25-33)

Balangkas ng Talata

  1. Pambungad (25)
  2. Ang mga Winika ni Jesus
    • tungkol sa mga dapat talikuran(26)
    • tungkol sa pagbubuhat ng krus (27)
  3. Dapat pag-isipan ang pagsunod kay Jesus
    • Ehemplo ng taong magpapatayo ng gusali(28-30)
    • Ehemplo ng haring susugod sa giyera (31-32)
  4. Pagtatapos (33)

Mga Tanong tungkol sa Talata

  • Nasaan si Jesus sa umpisa ng salaysay?
  • Sino ang kanyang mga kasama?
  • Sino ang kanyang kausap?
  • Ayon kay Jesus sino ang hindi pwedeng maging alagad niya?
  • Ayon kay Jesus, kung ang pagpipilian mo ay si Jesus at ibang tao sino ang dapat mong piliin? Paano kung mga anak mo? Paano kung mga magulang mo?
  • Ayon kay Jesus, kung ang pagpipilian mo ay si Jesus at ang iyong mga pangarap sa buhay, sino/ano ang iyong pipiliin?
  • Ayon kay Jesus kung ang pagpipilian mo ay si Jesus at ang mga bagay — kayamanan, trabaho, atbp. — sino/ano ang dapat mong pipiliin?
  • Ano ang ibig sabihin ng “krus” sa talata? Ito ba yung katulad ng krus ng Biyernes santo, o simbolo lamang ng isang krus?
  • Kailan tumatanggap ng krus ang isang Kristiyano?
  • Naaalala mo ba kung ano ang sinasabi ng pari tuwing ang isang binyagan ay minamarkahan ng krus? (tingnan ang rito ng binyag at ang rito ng miyerkoles ng abo)
  • Kung ang pinag-uusapan ay ang simbolo ng krus, ano ang kahulugan ng “pasanin ang krus…”?
  • Ano-ano ang ginagawa ng isang taong magpapatayo ng isang gusali bago siya bibili ng mga kagamitan para sa pagtatayo nito? Ano sa palagay mo ang mangyayari kung sa pagpapatayo ng gusali ay hindi muna pinag-isipan ng isang tao kung magkano ang kaya niyang gastusin para sa gusaling ipapatayo?
  • Kaya ba ng sampung libong sundalo ang dalawampung libong sundalo sa isang giyera (sa unang siglo, sa Palestina)? Matino ba ang isang haring susugod sa giyera na may kokonting sundalo laban sa isang hukbo na mas maraming sundalo? (Isipin kung gigiyerahin natin ang Tsina gayung wala naman tayong panlaban — palagay mo ba’y matino ang ganoong desisyon?)
  • Sa madaling sabi, ano ang nais idiin ni Jesus sa ehemplo ng taong magpapatayo ng gusali at haring may sampung libong sundalo?
  • Memoryahin ang talatang ito: “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.”
  • Mayroon ka na bang tinalikuran noong magumpisa kang sumunod sa Panginoon?

Karagdagang Babasahin

Karagdagang Kaalaman

Ang Krus ng Isang Kristiyano
Sa ating kultura, ang “krus” ni Juan (ang ordinaryong Pilipino) ang pahirap na kanyang pinapasan sa araw-araw. Ito ang mga nararanasan niyang mga problema sa kanyang buhay: problema ng pera, ng asawa, sakit, etc. Nguni’t sa buhay Kristiyano, ang simbolo ng “krus” ay hindi lamang simbolo ng pag-ibig ng Diyos, kungdi pati ng pakikiisa ng isang Kristiyano sa Panginoon. Nang tayo’y binyagan, tayo’y minarkahan ng krus sa noo. Ang markang ito ang nagpapatunay na tayo ay binili na ng Panginoon, na tayo ay “sa Panginoon” at magmula sa oras na iyon ay kalaban na ng kaaway ni Cristo, ang kasalanan, at ang demonyo. Ang ating binyag ay may kasamang mga obligasyon. Ang pinakamababaw ay ang pagtalima sa anim na utos ng Iglesya:

  1. Ang magsimba sa araw ng Linggo at mga araw ng mga mahahalagang kapistahan
  2. Ang mangilin at astinensya sa mga araw na ito’y hinihingi
  3. Ang magkumpisal isang beses man lamang sa isang taon
  4. Ang tumanggap ng komunyon isang beses man lamang sa isang taon
  5. Ang tumulong sa pangangailanga ng Simbahan
  6. Ang mag-asawa ayon sa kagustuhan ng Simbahan

Dahil sa ating binyag, ang unang-unang dapat tinatalikuran ay ang kasalanan. Nguni’t habang tayo’y tumatanda sa pananampalataya, dapat din nating matutunan ang pagtalikod kahit sa mga mabubuting bagay alang-alang sa Panginoon. Itong huli ang tinutukoy ng Panginoon sa talata ng Lukas na ating pinagninilayan. Dapat nating tandaan na ang Diyos lamang ang iniibig, at ang tao ay minamahal o iniibig sa Diyos. Ngunit ang kahit na anong bagay (kasama na diyan ang trabaho, mga pangarap, etc.) ay dapat na ginagamit para sa ating serbisyo sa Diyos at sa tao.

Leave a comment